
FILIPINO HOLY MASS TODAY LIVE at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. Sep 9, 2025. 6a.m
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Begins HEALING MASS (I) September 9, 2025 MARTES sa IKA-23 Linggo sa KARANIWANG PANAHON Paggunita kay San Pedro Claver, pari Twenty-Third Week || Healing Tuesday Mass BANAL NA MISA UNANG PAGBASA Colosas 2, 6-15 Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas Mga kapatid, yamang tinanggap ninyong Panginoon si Kristo Hesus, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya. Manatili kayo sa kanya at isalig sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at laging magpasalamat sa Diyos. Mag-ingat kayo upang hindi mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at magdarayang aral at hindi nasasalig kay Kristo kundi sa sabi-sabi ng matatanda at sa mga tuntunin ng sanlibutan. Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Kristo nang siya’y maging tao at dahil sa inyong pakikipag-isa sa kanya, naging ganap ang inyong buhay. Sakop niya ang lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan. Dahil sa pakikipag-isa kay Kristo, kayo’y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Kristo. Nang kayo’y binyagan, nalibing kayong kasama ni Kristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Kristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito’y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11 Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag, di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat, aking pupurihi’t pasasalamatan siya araw-araw, di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman. Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag, banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas. Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi. Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang; lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan. Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian, at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan. Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. ALELUYA Juan 15, 16 Aleluya! Aleluya! Hinirang tayo ni Kristo upang mamungang totoo bilang mabubuting tao. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 6, 12-19 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil. Bumaba si Hesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat. Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #FilipinoLiveMass Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas