
WEDNESDAY LIVE MASS TODAY at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. February 12, 2025. 6a.m.
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Begins 6AM Miyerkules ng Ika-5 Linggo sa KARANIWANG PANAHON (I) | Feb. 12, 2025 Wednesday Mass | PEBRERO 12 2025 UNANG PAGBASA Genesis 2, 4b-9, 15-17 Pagbasa mula sa aklat ng Genesis Nang likhain ng Panginoon ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat wala pang ulan noon at wala pa ring magsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa lupa. Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok, hiningahan sa ilong, at nagkaroon ng buhay. Naglagay ang Panginoon ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinasibol niya roon ang lahat ng uri ng kahoy na nakalulugod sa paningin at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan, naroon ang punong nagbibigay buhay, at ang punong nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Inilagay ng Panginoon ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pangalagaan at pagyamanin. Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakanin ang bungang iyon; mamamatay ka kapag kumain ka niyon.” Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 103, 1-2a. 27-28. 29bk-30 Panginoo’y papurihin, aba kong sariling buhay. Pinupuri ka Poong Diyos, nitong aking kaluluwa, O Panginoong aking Diyos, kay dakila mong talaga! Ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa. Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na maganda. Panginoo’y papurihin, aba kong sariling buhay. Lahat sila’y umaasa, sa iyo ay nag-aabang, umaasa sa pagkain na kanilang kailangan. Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap, mayro’n silang kasiyahan pagkat bukas ang ‘yong palad. Panginoo’y papurihin, aba kong sariling buhay. Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga; mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila. Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik, bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig. Panginoo’y papurihin, aba kong sariling buhay. ALELUYA Juan 17, 17b. a Aleluya! Aleluya! Amang D’yos ni Hesukristo, ang salita mo’y totoo kami ay pabanalin mo. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Marcos 7, 14-23 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos Noong panahong iyon, muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya. Ang may pandinig ay makinig.” Iniwan ni Hesus ang mga tao; at nang makapasok na sa bahay, siya’y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. “Kayo man ba’y wala ring pang-unawa?” tugon ni Hesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya, sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa pagsasabi nito’y para nang ipinahayag ni Hesus na maaaring kanin ang lahat ng pagkain. Nagpatuloy siya sa pagsasalita: “Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #livemasstoday Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas