
THURSDAY LIVE MASS TODAY at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. March 20, 2025. 6a.m.
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Begins 6AM HUWEBES sa IKALAWANG Linggo ng APATNAPUNG ARAW na Paghahanda | Mar. 20, 2025 Thursday Mass | MARSO 20 2025 UNANG PAGBASA Jeremias 17, 5-10 Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay. Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang, sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya. “Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Panginoon, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito, kahit di umuula’y wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga. “Sino ang makauunawa sa puso ng tao? Ito’y magdaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan. Akong Panginoon ang sumisiyasat sa isip at sumusubok sa puso ng mga tao. Ginagantihan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay, at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.” Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina. Mapalad ang taong hindi naakit niyong masasama, upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa; hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila. Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral, ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina. Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan, sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan, at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina. Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis, siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umiihip. Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat, ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak. Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina. AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA Lucas 8, 15 Mapalad ang nag-iingat sa kanyang pusong matapat ng Salitang nagbubuhat sa Poong D’yos ng liwanag, sa t’yaga’y aaning ganap. MABUTING BALITA Lucas 16, 19-31 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling si Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narini ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #livemasstoday Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas