[Live from SEMP] Banal na Misa: November 4, 2021· Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon

[Live from SEMP] Banal na Misa: November 4, 2021· Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon

UNANG PAGBASA Roma 14, 7-12 Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma Mga kapatid, walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang. Kung tayo’y nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayo’y namamatay, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo’y sa Panginoon. Sapagkat si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay. Ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw, bakit mo naman hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Sa aking pagiging Diyos, sabi ng Panginoon, isinusumpa kong ang bawat isa’y luluhod sa harapan ko, At ang bawat dila’y magpupuri sa Diyos.” Kaya’t lahat tayo ay magbibigay-sulit sa Diyos. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 26, 1. 4. 13-14 Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang. Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan kaya walang takot ako kaninuman; sa mga panganib kanyang iingatan, kaya naman ako’y walang agam-agam. Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang. Isang bagay lamang ang aking mithiin, isang bagay itong sa Poon hiniling: ang ako’y lumagi sa banal na templo upang kagandahan niya’y mamasdan ko at yaong patnubay niya ay matamo. Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang. Ako’y nananalig na bago mamatay masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan na igagawad mo sa mga hinirang. Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala! Ating patatagin ang paniniwala; tayo ay umasa sa kanyang kalinga! Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang. ALELUYA Mateo 11, 28 Aleluya! Aleluya! Kayong mabigat ang pasan ay kay Hesus maglapitan upang kayo’y masiyahan. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 15, 1-10 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito. “Kung ang sinuman sa inyo ay may sandaang tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi. “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan ito, hindi ba? Kapag nasumpungan na ito ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!’ Sinasabi ko sa inyo, gayun din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon.