SUNDAY HOMILY (MAY 21, 2023) | FEAST OF THE ASCENSION OF OUR LORD | DOM LORENZO MARIA, SSCV

SUNDAY HOMILY (MAY 21, 2023) | FEAST OF THE ASCENSION OF OUR LORD | DOM LORENZO MARIA, SSCV

Pag-akyat sa Langit ni Hesus Ang Pag-akyat ng Panginoon sa Langit ay mahalagang bahagi ng hiwaga ng Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang pagbabalik ni HesuKristo sa kalangitan ang kulminasyon ng Kanyang misyon. Siya ngayo’y nakapwesto nang muli sa kanan ng Ama; samantalang ang Espiritu Santo ay nananatili sa atin sa pananampalataya at pag-ibig. Sa pag-akyat ni Hesus sa Langit dala Niya ang lahat ng ating dalangin, samo, daing at pamanhik. Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama kaya’t nakatitiyak tayong batid ng Diyos ang ating mga hinaing at ipagkakaloob ang ating mga kahilingan ayon sa Kanyang dakilang awa. Sa handog na Espiritu Santo patuloy na nanahan sa ating piling ang Panginoong Hesus. Giit ng Iglesya, di naman talaga tayo lubusang nilisan ni Hesus na nagsabing “Ako’y laging kasama niyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Hindi tayo kailanman iiwanan ng Diyos. Nananatili Siyang nananahan sa ating pagkatao. Sa araw ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit ipinagkatiwala sa tanang mananampalataya ang misyon na ipalaganap ang mensahe at pamana ng Anak ng Diyos. Diin ng Simbahan, hamon ang Pista ng Pag-akyat sa Langit ni Hesus na mamuhay tayo nang naaayon sa Kanyang iniwang salita at halimbawa, at seryosong responsibilidad para sa lahat ng mga alagad ang ituro ito sa iba. Pithaya ng Iglesya na magamit natin ang tanang biyayang ibinigay at iniwan sa atin ni Kristo upang sa buong sanlibutan maitaguyod nang ganap ang paghahari ng Diyos. Habilin ng Iglesya sa tanan ngayong araw, “Jesus ascends to the Father and sends the Holy Spirit to us. He is present in Heaven with the Father, and he is present with us in the Spirit. The time we live in, viz. the period between his Ascension to the Father and his Second Coming at the end of time, is to be spent serving him as his missionary disciples. Let us open our hearts so that, guided by the Spirt, we may bear witness to the Lord in all we say and do!” Sa pagkaluklok sa kanan ng Ama, namalas ng lahat ang tagumpay at kaluwalhatian ng Panginoong Hesus. Patuloy Siyang mamamagitan para sa atin sa Langit ayon sa pangakong: “Lahat ng hilingin ninyo sa Aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo (Juan 14:3) Bukod sa pagpapatotoo, inaanyayaghan din tayong patuloy na mabuhay sa pag-asa sa pangakong Langit at ituon ang ating paningin sa buhay na nakalaan para sa mga tapat hanggang sa wakas. Sa Pag-akyat sa Langit ni Hesus tayo ay naging kaatambal ng Panginoon sa pagpapalaganap ng kabutihan at kabanalan sa mundo. Sa huli, paalala ni Pope Francis, “The Feast of the Ascension is the source of our strength, our perseverance, and our joy, from the very presence of Jesus among us with the strength of the Holy Spirit. May the Virgin Mary accompany our journey with her maternal protection. May we learn from her the gentleness and courage to be witnesses in the world of the Risen Lord.”