SUNDAY MASS TODAY LIVE at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas.  October 6,  2024. 7a.m

SUNDAY MASS TODAY LIVE at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. October 6, 2024. 7a.m

Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Sunday Mass Begins Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) October 06, 2024 27th SUNDAY in Ordinary Time UNANG PAGBASA Genesis 2, 18-24 Pagbasa mula sa aklat ng Genesis Sinabi ng Panginoong Diyos: “Hindi mainam na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Kaya, lumikha siya ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid, inilapit sa tao, at ipinaubaya dito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itawag, iyon ang magiging pangalan nila. Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon at mga hayop, maging maamo o mailap. Ngunit wala isa man sa mga ito ang angkop na kasama at katulong niya. Kaya’t pinatulog ng Panginoon ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo’y ginawa niyang isang babae, at inilapit sa lalaki. Sinabi ng lalaki, “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang siyang itatawag sa kanya sapagkat sa lalaki nagmula siya.” Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina upang sumama sa kanyang asawa, sapagkat sila’y nagiging iisa. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 127, 1-2. 3. 4-5. 6 Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman. Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot, ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos. Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan, ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay. Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman. Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga. Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya. Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman. Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin, buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain. Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin, at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem. Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman. Ang magiging iyong apo, nawa ikaw ay abutin, nawa’y maging mapayapa itong bayan ng Israel! Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman. IKALAWANG PAGBASA Hebreo 2, 9-11 Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo Mga kapatid, alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan. Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahaying tawagin silang mga kapatid. Ang Salita ng Diyos. ALELUYA 1 Juan 4, 12 Aleluya! Aleluya! Sa pagmamahalan natin ang D’yos ay ating kapiling, pag-ibig n’ya’y lulubusin. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Marcos 10, 2-12 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas