
SUNDAY MASS JANUARY 29, 2023 | 4th SUNDAY IN ORDINARY TIME YEAR A | DOM LORENZO MARIA, SSCV
The Beatitudes Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, inilalahad sa atin ang kung tawagin ay mga “Beatitudes” o mga punto para sa pagiging tunay na mapalad. Ito ang ipinahahayag sa nilalamang aral ng "Sermon sa Bundok” ng Panginoon. Sa sipi ng Mabuting Balita (Mateo 5:1-12) malinaw ang turo ni Hesus na ang tunay na mapalad ay yaong mga nasa panig ng Diyos, viz. mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos lamang at nagpapailalim sa Kanyang kalooban. Binibigyang-diin ng Panginoon sa simula pa lamang ng kanyang pahayag ang unang batayan ng pagiging pinagpala: “Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa Kangyang pinaghaharian.” Sa kabuuan, walong ‘panuntunan' ang binaggit ni Hesus na itinuturing sa tradisyon bilang pundasyon ng Buhay Kristiyano sapagkat ito ang mga ipinamalas ni Hesus sa kanyang buhay. Dito nakasalalay ang pagiging tunay na mapalad Turo ng Simbahan, binbibigyang-halaga ni Kristo ang papel ng Diyos sa ating buhay at ang tugon natin sa Kanya bilang mga alagad. Ipinapaunawa sa atin ng Panginoon na iba talaga ang batayan ng mundo sa mga bagay na tunay na mahalaga ayon sa panukala ng langit. Binigyang diin ni Hesus sa Ebanghelyo na ang daan ng kaligayahan at pagiging mapalad ay makakamit lamang sa pagpapakababa at pananalig sa Diyos. Ang mga panuntuanang inilahad Niya ang siyang makapagbibigay sa atin ng tunay nating kapalaran sapagkat ito lamang ang daan upang mapasapiling ng Diyos. Giit ng Simbahan, ang ‘Eight Beatitudes’ ay nagsisilbing buod kung sino si HesuKristo at kung ano ang inaasahan sa atin bilang Kanyang mga tagasunod. Samakatuwid, ang mga nabanggit ng Panginoon ang tumatayong ‘marka' o natatanging karakter at mihiin ng bawat Kristiyano. Sa madaling salita, ang sinumang naka-ugnay sa Panginoon at napapailalim sa Kanyang kalooban ang masasabing tunay na mapalad: ang mga dukha, nagluluksa, nagugutom, maawain, may busilak na puso, tagapayamayapa, pinag-uusig at inaapi. Sa huli, diin ng Simbahan na ang pagiging mapalad ay hindi lamang nakikita sa kalagayan ng buhay kundi higit sa lahat sa ugali at pananaw natin; sapagkat ang diwa ng aral ni Hesus tungkol sa mga pinagpala ay nakasentro sa pagiging mababang-loob at mapanalig sa Diyos, anuman ang katayuan natin sa buhay. Hilingin natin sa Panginoon na sana tayo ay maging tunay na mapalad ayon sa kanyang panuntunan. Maisa-puso nawa natin ang kahalagan ng pagkakaroon ng pagkilala, pagmamahal at pagsunod sa Ama bilang pagtulad kay Hesus. Manaig nawa sa atin ang pagkakamit ng tunay na kapalaran- ang magtamasa ng lubos na ligaya at buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.