[LIVE from SEMP]Banal na Misa:12-28-2021 Kapistahan ni Apostol San Juan,Manunulat ng Mabuting Balita

[LIVE from SEMP]Banal na Misa:12-28-2021 Kapistahan ni Apostol San Juan,Manunulat ng Mabuting Balita

UNANG PAGBASA 1 Juan 1, 1-4 Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Juan Mga pinakamamahal, sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa’y siya na, ang Salita na nagbibigay-buhay. Narinig namin siya at nakita, napagmasdan at nahipo ng aming mga kamay. Nahayag ang Buhay. Nakita namin siya at pinatotohanan sa inyo. At ipinangangaral namin sa inyo ang Buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita’t narinig, upang makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesukristo. Sinusulat namin ito upang malubos ang ating kagalakan. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12 Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan! Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang! Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman, kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit, sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig. Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran, sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway, sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan. Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong, sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon; ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain, at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw! Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. ALELUYA Aleluya! Aleluya! Mga tapat na apostol ay nagpupuri sa Poon sa langit habang panahon. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Juan 20, 2-8 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Ang Mabuting Balita ng Panginoon.