
Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. 27 Mar 2024 7a.m
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Begins 15:39 MIYERKULES SANTO. | Holy Wednesday March 27, 2024 UNANG PAGBASA Isaias 50, 4-9a Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias Ang Makapangyarihang Panginoon ang nagturo sa akin ng sasabihin ko, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga’y nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin. Binigyan niya ako ng pang-unawa, hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya. Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din nang lurhan nila ako sa mukha. Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinapansin, pagkat ang Makapangyarihang Panginoon ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis pagkat aking batid na ang sarili ko’y di mapapahiya. Ang Diyos ay malapit at siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang maghabla sa akin? Magharap kami sa hukuman, at ilahad ang kanyang bintang. Ang Panginoon mismo ang magtatanggol sa akin. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34 Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin. “Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi, napahiyang lubos sa pagkaunsiyami. Sa mga kapatid parang ako’y iba, kasambahay ko na’y di ako kilala. Ang pagmamahal ko sa banal mong templo, matinding-matindi sa kalooban ko; sa akin bumagsak, paghamak sa iyo. Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin. Kaya naman ako’y wala nang magawa; ang inasahan kong habag ay nawala, ni walang umaliw sa buhay kong aba. Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom, ang dulot sa aki’y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom. Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin. Pupurihin ang Diyos, aking aawitan, dadakilain ko’t pasasalamatan. Kung makita ito niyong mga dukha, sila ay sasamba sa laki ng tuwa. Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, lingkod na bilanggo’y di nalilimutan. Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin. AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA Nagpupuri kami sa ‘yo, Hari naming Hesukristo, ang pagdamay mo sa tao ay talagang patotoo na kami’y minamahal mo. o kaya: Nagpupuri kami sa ‘yo, Hari naming Hesukristo, masunurin kang Kordero, sa katubusan ng tao hain sa krus ang buhay mo. MABUTING BALITA Mateo 26, 14-25 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?” tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus. Dumating ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon.