
SIMBANG GABI 2024 CHURCH LIVE MASS TODAY || DEC 19 THURSDAY MASS | REV FR DOUGLAS BADONG
Catholic Holy Mass Today December 19, 2024 Playback Online Mass Simbang Gabi Day 4 | 2024 Misa de Gallo Huwebes ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon Disyembre 19 Featured Playback Mass. MABUTING BALITA Lucas 1, 5-25 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong si Herodes ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang ngala’y Zacarias, sa pangkat ni Abias. At mula rin sa lipi ni Aaron ang kanyang asawang si Elisabet. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, namumuhay nang ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon. Wala silang anak sapagkat baog si Elisabet, at sila’y matanda na. Ang pangkat ni Zacariaas ang nanunungkulan noon, at siya’y naglilingkod sa harapan ng Diyos bilang saserdote. Nang sila’y magsapalaran, ayon sa kaugalian ng mga saserdote, siya ang nahirang na maghandog ng kamanyang. Kaya’t pumasok siya sa templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng kamanyang, samantalang nagkakatipon sa labas ang mga tao at nananalangin. Walang anu-ano’y napakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng dambanang sunugan ng kamanyang. Nagulat si Zacarias at sinidlan ng matinding takot nang makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya, at marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o anumang inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Marami sa mga anak ng Israel ang panunumbalikin niya sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.” Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko po matitiyak na mangyayari ito? Sapagkat ako’y napakatanda na at gayon din ang aking asawa.” Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang ihatid sa iyo ang mabuting balitang sinabi ko na sa iyo. At ngayon, mabibingi ka’t hindi makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka naniwala sa mga sinabi ko na matutupad pagdating ng takdang panahon.” Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtaka sila kung bakit nagtagal siya nang gayon sa loob ng templo. Paglabas niya ay hindi na siya makapagsalita, mga senyas na lamang ang ginagamit niya; kaya natanto nila na nakakita siya ng pangitain. At siya’y nanatiling pipi. Nang matapos ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan. “Ngayo’y nilingap ako ng Panginoon,” wika ni Elisabet. “Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao!” Ang Mabuting Balita ng Panginoon.