Mga Pagbasa ngayong Martes | Ika-08 ng Oktubre 2024 | Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa ngayong Martes Ika-08 ng Oktubre 2024 Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon UNANG PAGBASA Galacia 1: 13-24 Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia Mga kapatid, hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno. Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. Totoong lahat ang sinasabi ko sa sulat na ito. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling. Pagkatapos, pumunta ako sa mga lalawigan ng Siria at ng Cilicia. Hindi pa ako nakikita noon ng mga Kristiyano sa Judea. Nabalitaan lamang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral ngayon tungkol sa pananampalataya na kanyang sinikap na wasakin noong una. Kaya’t nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin. Ang Salita ng Diyos. MABUTING BALITA Lucas 10: 38-42 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #filipinoholyeucharist #gospel #MabutingBalita #virals #fypシ゚viralシ #fypviralシ #virals ============================== Send your prayer petition and prayer request to [email protected] and we include your request into our 2000 Hail Mary's Devotion to Our Blessed Virgin Mary every 1st Saturday of the month.