Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas.  14 Oct  2023  7a.m.

Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. 14 Oct 2023 7a.m.

Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Online Sabado sa Ika-27 Linggo ng Karaniwang Panahon October 14, 2023 Saturday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time UNANG PAGBASA Joel 4, 12-21 Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Kailangang humanda ang mga bansa at magtungo sa Kapatagan ni Josafat. Akong Panginoon ay mauupo roon upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid. Ubod sila ng sama; gapasin mo silang parang uhay sa panahon ng anihan; ligisin mo silang parang ubas sa pisaan hanggang sa umagos ang katas. Angaw-angaw ang nasa Kapatagan ng Paghatol, sapagkat darating na ang Araw ng Panginoon. Wala nang liwanag ang araw at ang buwan at hindi na kumikislap ang mga bituin.” Dumadagundong ang tinig ng Panginoon mula sa Bundok ng Sion, animo’y kulog na nagbubuhat sa Jerusalem; anupat nanginginig ang lupa’t langit. Subalit iingatan niya ang kanyang bayan. “Sa gayun, malalaman mo, Israel, na akong Panginoon ang inyong Diyos! Ang aking tahanan ay ang Sion, ang banal kong burol, lungsod kong banal ang Jerusalem; ito’y hindi na muling masasakop ng mga dayuhan. Sa panahong iyon, magiging panay na ubasan ang mga bundok; mga bakahan ang makikita sa bawat burol; mananagana sa tubig ang buong Juda! Dadaloy mula sa templo ng Panginoon ang isang batis, na didilig sa Kapatagan ng Sitim. Magiging disyerto ang Egipto at magiging tigang ang lupain ng Edom, sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan. Ipaghihiganti ko ang lahat ng nasawi; di ko patatawarin ang sinumang nagkasala. Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman at tatahan naman ang Panginoon sa Bundok Sion.” Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12 Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan! Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang! Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman, kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit, sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig. Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran, sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway, sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan. Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong, sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon; ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain, at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw! Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. ALELUYA Lucas 11, 28 Aleluya! Aleluya! Mapalad ang sumusunod sa salitang buhat sa D’yos at namumuhay nang angkop. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 11, 27-28 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” Ang Mabuting Balita ng Panginoon.