Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. 20 Jun 2024 7a.m.
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Begins Huwebes ng Ika-11 na Linggo sa KARANIWANG PANAHON. June 20, 2024 UNANG PAGBASA Sirak 48, 1-15 Pagbasa mula sa aklat ni Sirak Sumunod na lumitaw si Elias na parang apoy, parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita. Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan, pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay. Sa ngalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan, at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy. Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias! Sino ang makatutulad sa mga ginawa mo? Binuhay mong muli ang isang patay; inagaw mo siya sa kamatayan sa ngalan ng Kataas-taasan. Ibinagsak mo ang mga hari at pinukaw sa pagtulog ang mga maharlika, at pinapunta mo sila sa kanilang kamatayan. Ikaw ang nakarinig ng mga babala ng Diyos doon sa Sinai at ng mga parusang inihayag niya sa bundok ng Horeb. Ikaw din ang nagtalaga sa mga haring pinili para maghiganti, at sa propetang hahalili sa iyo. Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipu-ipo, lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy. Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon, upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw; para pagsunduin ang mga magulang at mga anak, at muling tipunin ang mga lipi ng Israel. Mapapalad ang mga makakakita sa iyo at yaong mga namatay na umiibig sa Diyos, sapagkat kami rin ay mabubuhay. Nang si Elias ay madala ng ipu-ipo, ang diwa niya’y minana ni Eliseo. Hindi siya natakot kailanman sa sinumang hari, at walang sinumang nakapagpasuko sa kanya. Walang gawaing hindi niya makayang gawin, at nang mamatay, pati bangkay niya’y nagpakita ng himala. Nang nabubuhay, gumawa siya ng maraming himala; ngunit nang mamatay, kapangyarihan niya’y kahanga-hanga. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 96, 1-2. 3-4. 5-6. 7 Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan! Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang! Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman, kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Sa unahan niya’y apoy, patuloy na nag-aalab, sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas. Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig, kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit, sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig. Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran, sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyusan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam. Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal. Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat. ALELUYA Roma 8, 15bk Aleluya! Aleluya! Espiritu ng D’yos Anak ay siyang ating tinanggap nang D’yos Ama ay matawag. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Mateo 6, 7-15 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng iyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Ikaw nawa ang maghari sa amin, sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito; at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok, kundi ilayo mo kami sa Masama! Sapagkat iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan, magpakailanman! Amen.’ Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi kayo patatawarin ng inyong Ama.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas