
FILIPINO HOLY MASS TODAY LIVE at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. Sep 11, 2025. 6a.m
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Begins HEALING MASS (I) September 11, 2025 HUWEBES sa IKA-23 Linggo sa KARANIWANG PANAHON Twenty-Third Week || Healing Thursday Mass BANAL NA MISA UNANG PAGBASA Colosas 3, 1-11 Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas Mga kapatid, binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumikatan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan. Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsama sa diyus-diyusan. Dahil sa mga bagay na ito, ang Diyos ay napopoot sa mga taong lumalabag sa kanyang kalooban. Noong una, nang pinaghaharian pa kayo ng masasamang pita, namuhay rin kayong kasama-sama ng mga taong gumagawa niyon. Ngunit ngayon, itakwil ninyo ang lahat ng ito: galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panunungayaw, at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya’t wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya’y sumasalahat. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 144, 2-3. 10-11. 12-13ab Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. Pupurihin ko’t pasasalamatan ang Diyos araw-araw, di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman. Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin; ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain. Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang; lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan. Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian, at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan. Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao, mababatid nila ang kadakilaan ng paghihirap mo. Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago. Ang Diyos ay mapagmahal, tana’y pinauunlakan. ALELUYA Lucas 6, 23ab Aleluya! Aleluya! Magalak kayo’t magdiwang malaki ang nakalaang gantimpala ninyong tanan. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 6, 20-26 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, tumingin si Hesus sa mga alagad, at kanyang sinabi, “Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!” “Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo’y bubusigin!” “Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak!” “Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito’y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.” “Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!” “Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom!” “Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis!” “Sa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #FilipinoLiveMass Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas