
Mga Pagbasa ngayong Biyernes | 28 ng Pebrero 2025 | Ika - 7 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa ngayong Biyernes 28 ng Pebrero 2025 Ika - 7 Linggo sa Karaniwang Panahon UNANG PAGBASA Sirak 6 : 5-17 Pagbasa mula sa aklat ni Sirak Ang magiliw na pangungusap ay nakaaakit ng maraming kaibigan, at ang matamis na pananalita’y susuklian ng magandang sagot. Makipagbatian ka sa maraming tao, ngunit isa lamang sa sanlibo ang hihingan mo ng payo. Bago ka makipagkaibigan kaninuman, subukin mo muna siya, at huwag mo siyang pagtitiwalaan agad. Sapagkat may mga kaibigang mapagsamantala na di mo maaasahan sa oras ng pangangailangan. May kaibigang hindi nagtatagal at nagiging kaaway mo, at ibubunyag pa niya ang pagkakagalit ninyo, Anupat lalabas kang kahiya-hiya. Mayroon ding kaibigang kasalu-salo mo sa pagkain, ngunit pababayaan ka sa oras ng kagipitan. Sa kasaganaan, didikit siya sa iyo na parang anino, uutusan niya pati ang mga katulong mo; ngunit sa kasawia’y pababayaan ka niya, pagtataguan ka, at di mo na siya makikita. Lumayo ka sa kaaway, at mag-ingat ka sa kaibigan. Ang matapat na kaibiga’y parang matibay na kuta, pag nakatagpo ka ng tulad niya’y para kang nakahukay ng malaking kayamanan. Walang kasinghalaga ang matapat na kaibigan hindi siya matutumbasan ng gaano mang salapi. Ang matapat na kaibiga’y parang gamot na nagbibigay-buhay, at siya’y matatagpuan lamang ng mga may takot sa Panginoon. Ang may takot sa Panginoo’y makatatagpo ng tapat na kaibigan at ang mga kaibigan niya’y tulad niyang may takot sa Panginoon. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 118 : 12. 16. 18. 27. 34. 35 T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko Pupurihin kita, Poon, ika’y aking pupurihin, ang lahat ng tuntunin mo ay ituro mo sa akin. T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko Sa bigay mong kautusa’y lubos akong nalulugod, iingatan sa puso ko upang iyo’y di malimot. T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan, yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral. T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko Ang lingkod mo ay turuang masunod ang kautusan, sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral. T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod, buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod. T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko Sa pagsunod sa utos mo, ako’y iyong pangunahan, sa utos mo’y naroon ang ligayang inaasam. T. Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko MABUTING BALITA Marcos 10 : 1-12 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa lupain ng Judea, at nagtuloy sa ibayo ng Ilog Jordan. Muli siyang pinagkalipumpunan ng mga tao, at tulad ng dati’y nagturo sa kanila. May mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #filipinoholyeucharist #gospel #devotion #MagandangBalita #fypシ゚ #fypシviralシ2024 #reelsviralシ #fypシ゚viralシ #fypシ゚viral #fypviral #fypシ゚ ============================== Send your prayer petition and prayer request to [email protected] and we include your request into our 2000 Hail Mary's Devotion to Our Blessed Virgin Mary every 1st Saturday of the month.