
Mga Pagbasa ngayong Biyernes | 14 ng Pebrero 2025 | Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa ngayong Biyernes 14 ng Pebrero 2025 Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon UNANG PAGBASA Genesis 3: 1-8 Pagbasa mula sa aklat ng Genesis Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon. Minsa’y tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?” Tumugon ang babae, “Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami.” “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay,” wika ng ahas. “Gayun ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa. Kayo’y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama.” Napakaganda sa paningin ng babae ang panunongkahoy at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito. Nabuo sa isipan niya na mabuti ang maging marunong, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain. Kumuha rin siya para sa kanyang asawa, kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila’y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtagni-tagni at ginawang panakip sa katawan. Pagdadapit-hapon, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoon, kaya’t nagtago sila sa kahuyan. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 31: 1-2. 5. 6. 7 T. Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan. Mapalad ang tao na pinatawad ng yaong kasalanan, at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang; mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang. T. Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan. Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin, ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim; pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing, at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin. T. Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan. Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin, upang bumugso man ang malaking baha’y di sila abutin. T. Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan. Kublihan ko’y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag, aking aawitin ang pagkakalinga at ‘yong pagliligtas. T. Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan. MABUTING BALITA Marcos 7: 31-37 Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos Noong panahong iyon, pagbalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #filipinoholyeucharist #gospel #devotion #MabutingBalita #fypシviralシ2024 #fypシ゚viralシ #fypシ゚viral #fypシ゚ #virals ============================== Send your prayer petition and prayer request to [email protected] and we include your request into our 2000 Hail Mary's Devotion to Our Blessed Virgin Mary every 1st Saturday of the month.