Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas.  28 Aug  2023  7a.m.

Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. 28 Aug 2023 7a.m.

Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Online Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan Lunes sa Ika-21 na Linggo ng Karaniwang Panahon August 28, 2023 Monday of the Twenty-first Week in Ordinary Time UNANG PAGBASA 1 Tesalonica 1, 1-5. 8b-10 Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo – Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan. Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumalaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak. o kaya: Aleluya. Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit, purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig. Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha; dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa. Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak. Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan; alpa’t tambol ay tugtugin at siya ay papurihan. Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang, sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay. Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak. Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang, sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan. Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan. Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang. Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak. ALELUYA Juan 10, 27 Aleluya! Aleluya! Ang tinig ko’y pakikinggan ng kabilang sa ‘king kawan, ako’y kanilang susundan. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Mateo 23, 13-22 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila mapagharian ng Diyos. Ayaw na ninyong pasakop sa paghahari ng Diyos, hinahadlangan pa ninyo ang ibig pasakop! “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkalan ninyo’y ang pagdarasal nang mahaba! Dahil dito’y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo! “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno. “Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung ipanumpa ninuman ang templo, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang ginto ng templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung ipanumpa ninuman ang dambana, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tupdin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambanang nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag ipinanumpa ninuman ang dambana, ipinanunumpa niya iyon at ang lahat ng handog na naroon. Kapag ipinanumpa ninuman ang templo, ipinanunumpa niya iyon at ang tumatahan doon. At kapag ipinanumpa ninuman ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaluklok doon.” Ang Mabuting Balita ng Panginoon.