Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. 30 Sept 2023 7a.m.
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Online Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Sabado sa Ika-25 Linggo ng Karaniwang Panahon September 30, 2023 Saturday of the Twenty-fifth Week in Ordinary Time UNANG PAGBASA Zacarias 2, 5-9. 14-15a Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Zacarias Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?” “Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya. Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. Sinabi nito sa kanya, “Dali ka! Sabihin mo sa binatang may dalang panukat na ang Jerusalem ay titirhan ng maraming tao at hayop. Hindi na ito papaderan pagkat ang Panginoon ang magiging bakod na apoy ng Jerusalem, at ang kaningningan niya’y lulukob sa buong lungsod.” Sinabi pa ng Panginoon, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na ako sa piling mo.” Sa araw na yaon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri sa Panginoon at pasasakop sa kanya. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop. Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ng Poon, at ipahayag ninyo sa malalayong lupain: “Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila’y muli kong titipunin at aalagaan, gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.” Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop. Sapagkat tinubos ng Poon si Jacob, at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas. Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Sion, tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ng Poon. Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop. Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga makikigalak pati mga binata’t matatanda; ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa, papalitan ko ng kagalakan ang kanilang kalungkutan. Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop. ALELUYA 2 Timoteo 1, 10 Aleluya! Aleluya! Si Kristo ay nagtagumpay nalupig ang kamatayan nagningning ang pagkabuhay. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 9, 43b-45 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, samantalang nanggigilalas ang mga tao sa lahat ng ginawa ni Hesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo itong sasabihin ko: ipagkakanulo ang Anak ng Tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan, pagkat inilingid ito sa kanila. Nangangamba naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig sabihin niyon. Ang Mabuting Balita ng Panginoon.