
Catholic Mass Today Live at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. 16 Sept 2023 7a.m.
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Online Sabado sa Ika-23 na Linggo ng Karaniwang Panahon September 16, 2023 Paggunita kina Papa San Cornelio at Obispo San Cipriano, mga martir Saturday of the Twenty-third Week in Ordinary Time UNANG PAGBASA 1 Timoteo 1, 15-17 Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo Pinakamamahal, narito ang isang katotohanang dapat tanggapi’t paniwalaan ng lahat: si Kristo Hesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga, at maging halimbawa ito sa mga mananalig sa kanya at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Purihin at dakilain magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan, at di nakikita! Amen. Ang Salitang Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 112, 1-2. 3-4. 5a at 6-7 Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman. o kaya: Aleluya. Dapat na magpuri ang mga alipin, ang ngalan ng Poon ay dapat purihin. Ang kanyang pangalan ay papurihan, magmula ngayo’t magpakailanman. Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman. Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran, ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay. Siya’y naghahari sa lahat ng bansa, lampas pa sa langit ang pagkadakila. Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman. Walang makatulad ang Panginoong Diyos, na sa kalangitan doon naluluklok; buhat sa itaas siya’y tumutunghay, ang lupa at langit kanyang minamasdan. Mula sa alabok ang mga mahirap, sa pagkalugami ay itinataas. Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman. ALELUYA Juan 14, 23 Aleluya! Aleluya! Ang sa aki’y nagmamahal tutupad sa aking aral. Ama’t ako’y mananahan. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 6, 43-49 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib. “Tinatawag ninyo akong ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi naman ninyo ginagawa ang sinasabi ko. Ipakikilala ko sa inyo kung kanino natutulad ang bawat lumalapit sa akin, nakikinig ng aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at sa pundasyong bato nagtayo ng bahay. Bumaha, at ang tubig ay bumugso sa bahay na iyon, ngunit hindi natinag, sapagkat matatag ang pagkakatayo. Ngunit ang nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang pundasyon. Bumaha, nadaanan ng tubig ang bahay na iyon at pagdaka’y bumagsak. Lubusang nawasak ang bahay na iyon!” Ang Mabuting Balita ng Panginoon.