FILIPINO HOLY MASS TODAY LIVE at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. N0v 15, 2025. 6a.m
Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Begins HEALING MASS (I) November 15, 2025 SABADO sa IKA-32 Linggo sa KARANIWANG PANAHON Paggunita kay Dakilang San Alberto, obispo at pantas ng Simbahan Thirty-Second Week || Healing Saturday Mass BANAL NA MISA UNANG PAGBASA Karunungan 18, 14-16; 19, 6-9 Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan Payapa at tahimik ang lahat, nangangalahati na ang gabi, walang anu-ano’y ang makapangyarihan mong mga salita ay bumaba, mula sa iyong maharlikang trono sa langit, pumagitna sa lupaing iyon na itinalaga mong wasakin Gaya ng mabalasik na mandirigma. Taglay niya ang matalim na tabak ng iyong mga utos, tumayo siya, ang ulo niya’y sagad sa langit, at pinalaganap ang kamatayan sa buong lupain. Ang sangnilikha ay dumanas ng pagbabago upang masunod ang iyong kalooban, at mailigtas ang iyong bayan. Ang ulap ay lumukob sa kanilang kampamento, ang tubig ay nahawi at lumitaw ang tuyong lupa, isang malinis na landas sa gitna ng Dagat na Pula, at luntiang kapatagan mula sa naglalakihang mga alon. Ang bayan mo ay nakatawid na lahat, sa ilalim ng iyong pagkalinga, matapos masdan ang kamangha-manghang gawang iyon. Tulad nila’y mga kabayo sa sariwang pastulan, parang mga tupang naglulundagan sa tuwa sa pagpupuri sa iyo, O Panginoon, sapagkat iniligtas mo sila. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 104, 2-3. 36-37. 42-43 Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos. o kaya: Aleluya. Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan, ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay. Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya. Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos. Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay, kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay. Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas, malulusog sila’t lumabas na dala’y mga ginto’t pilak. Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos. Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan, ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham. Kaya’t ang bayan niya’y kanyang inilabas na lugod na lugod, nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog. Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos. ALELUYA 2 Tesalonica 2, 14 Aleluya! Aleluya! Tayo’y tinawag ng Diyos upang magningning na lubos sa aral ni Kristo Hesus. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Lucas 18, 1-8 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga upang ituro sa kanilang na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa. “Sa isang lungsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: ‘Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya,’” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #FilipinoLiveMass Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas